Bandilang Pula
Written by: Anoymous;
Published: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971;
Source: Bandilang Pula, Ika-5 ng Pebrero 1971
Markup: Simoun Magsalin.
Walang isa mang aksiyong pangmasa ang nagbigay-anyo sa mapanikil na kontrol-pangkabuhayan ng imperyalismong Amerkano sa isipan ng sambayanan nang higit pa sa mapanlumpong welga ng sasakyan noong Enero 8 hanggang 13. Sa unang pagkakataon, ang nagkakaisang pagkilos ng mga manggagawa, mangisngisda, mag-aaral, at ibang pang sektor ng lipunan laban sa monopolyo ng langis at gasolina, ay nagbunga ng pansamantalang pagbabalik ng presyo ng mga produktong ito. Subalit ang welga ay pansamantalang tagumpay lamang sapagkat ang mga monopolyo ng langis at gasolina ay nagpumilit pa ring panatilihin ang datihang tubo sa pamamagitan ng pagtataas ng presyo ng gasolinang “premium” at ng mga produkto nito, at sa pagbababa ng diskwento sa mga peti-burges na mga Pilipinong may-ari ng mga gasolinahan.
Ang Price Control Council, na pinamumunuan ng alipuris ni Marcos na si Maceda, ay minsan pang nagpakita ng tunay kulay nito bilang alipin ng mga Amerikano at Ingles na monopolyo kapitalista sa langis at gasolina nang pagtibayin nito ang kagustuhan ng mga kompanyang ito na pataasin ang halaga ng gasolinang “premium,” lubrikante, at ibang pang produktong petrolyo. Ang mga pakitangtaong pagdinig ng PCC ay nakapagdulot lamang na panakip upang pataasin ang mga presyo samantalang ginagamit ang pangangatuwirang tumataas ang gastos sa produksiyon. Ang matigasang pagtanggi ng mga imperyalistang kompanyang ito upang buksan ang kanilang mga libro sa publiko sa mga pagdinig ng PCC ay nagpakita lamang ng kanilang pagsusumikap na maikubli ang kanilang sukab na pangangamkam ng tubo.
Ang lahat ng pagsusumikap ng mga imperyalistang kompanya ng langis at gasolina, na pangatuwiranan ang pagtatas ng presyo ng kanilang produkto sa pagdadahilang tumataas ang gastos ng produksyon ay nagiging panangga lamang sa tunay na isyu laban sa kanila. Kahiman totoo na tumataas nga ang gastos ng produksiyon, ang karagdagang gastos ay dapat isabalikat ng mga imperyalista sapagkat nakahuthot na sila ng bilyong tubo mula sa kanilang mga operasyon dito sa Pilipinas. Ang malaking bahagi ng gastos na sinasabi ng mga kompanyang ito ay tuwirang pagdaragdag, at nabawi na sa pagtataas ng presyo noon Marso, 1970, matapos pababain ang halaga ng piso. Ang pagtataas na muli ng presyo sa kasalukuyan ay mangangahulugan ng pagpapalaki ng kanilang limpak-limpak na tubo at pagpapalubha ng paninikil sa masang Pilipinong kaylaon nang naghihirap dahilan sa krisis pangkabuhayan.
Ang presyo ng halos lahat ng pangunahing pangangailangan sa isang malakolonyal at malapiyudal na ekonomiya ay idinidikta ng mga imperyalistang Amerikano. Nasa interes ng mga monopolyong kapitalistang Amerikano at ng mga katutubong kasab wat nila ang patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin upang sila’y magtamasa ng limpak-limpak na tubo. Tanging ang isang estadong tunay na nasa kamay ng sambayanang Pilipino ang siyang makakokontrol at makapagsasaayos ng mga halaga ng bilihin upang isulong ang kasaganaang pangkabuhayan ng malawak na masang Pilipino.
Ang pangkasalukuyang welga sa transportasyon at ang militanteng pagtataguyod ng mga mag-aaral, kung makapagpapababa ng presyo ng lahat ng produktong petrolyo, ay makapagbibigaykaluwagan sa pagdarahop ng sambayanang at mangangahulugan ng isang mahalagang hakbang sa pagsulong ng sumisidhing pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano.
Subalit ang pagbaba ng presyo ng langis at ng gasolina ay panandaliang lunas lamang. Matitigil lamang ang pagsasamantala ng mga imperyalistang kompanyang ito kapag isinabansa ang industriya sa langis at gasolina, sa ilalim ng isang pambansang demokratikong estado na kontrolado ng mga manggagawa at magbubukid.